Helen Tan, nanumpa na bilang unahang babaeng gobernadora ng Quezon
Nanumpa na si dating 4th District Representative Doktora Helen Tan bilang kauna-unahang babaeng gobernadora ng lalawigan ng Quezon.
Nanumpa si Tan kay Honorable Justice Jhosep Lopez kung saan nakapatong ang kanyang kamay sa Bibliya na hawak ng kanyang asawang si Engr. Ronnel Tan.
“Tapos na ang pagwawalang bahala sa kapakanan ng maliliit sa lipunan. Panahon na ng serbisyong may kabuluhan at pakikinabangan ng lahat. Mula sa Distrito Kwatro at ngayon sa buong Lalawigan ng Quezon, handog natin ang Serbisyong Tunay At Natural para sa bawat tao, para sa bawat komunidad, para sa bawat sektor, para sa bawat barangay, para sa bawat bayan at siyudad patungo sa isang ‘Isang Malusog at Asensadong Lalawigan na Iniangat ng Maasahang Serbisyo at Makapangyarihang Mamamayan’,” pahayag ni Gov. Tan sa kanyang talumpati.
Ipinangako nito na bibigyang importansya ang kalusugan ng lahat ng mamamayan kasabay ng pagbibigay-serbisyo sa edukasyon, agrikultura, kabuhayan, imprastraktura, kalikasan, edukasyon, agrikultura, kapaligiran at turismo at mabuting pamamahala.
Bilang may akda ng landmark na batas na “Universal Health Care Act”, ipinangako din ni Tan ang kanyang paninindigan sa mamamayan ng Quezon na magkaroon ng access sa komprehensibong bahagi ng kalidad at cost-effective, promotive, preventive, curative, rehabilitative at palliative na serbisyong pangkalusugan nang hindi mabigat sa bulsa at nagbibigay-prayoridad sa kanilang mga miyembro ng populasyon na hindi makakayanan ang ganitong uri ng serbisyo.
Kabilang sa maraming planong pag-unlad ni Gov. Tan ang pagpapataas ng investment sa pasilidad pang-edukasyon, kagamitan at mga tauhan upang tiyakin ang kalidad ng edukasyon; paglikha ng yaman sa pamamagitan ng pagpapalakas sa sektor ng agkrikultura; pagtatatag ng Local Economic Development and Investment Promotion Office; pagpapabilis ng pagtatayo ng imprastraktura sa ilalim ng “Build, Build, Build” program upang bigyan daan ang golden age ng infrastructure development sa buong Lalawigan ng Quezon; pagtataguyod ng sustainable tourism programs at hikayatin ang mas marami pang turista na bumisita sa lalawigan sa pamamagitan ng iba’t ibang tourism options gaya ng health and wellness, ecotourism, cuisine, sun and beaches, history and culture; at pagtatayo ng mas accountable, transparent, participatory, responsive, inclusive, dynamic, effective, at mahusay na pamahalaang panlalawigan na magtataguyod ng kapakanan ng lahat ng mamamayan.
Itinampok din ni Gov. Tan ang kanyang digitization program na siyang magbibigay-daan para sa mas mahusay na at epektibong public transaction sa lahat ng social services.
Dumalo sa makasaysayang inagurasyon ang miyembro ng pamilya Tan, sa pangunguna ni DPWH Regional Director Ronnel Tan, kabilang na ang mga VIP sa Quezon Convention Center at kasama rin ang mga matataas na opisyal mula sa iba’t ibang national at local government agencies, gayundin mula sa religious sector at militar.
Sa kanyang inaugural address, binigyang-din ni Gov. Tan ng paunang tanaw sa kanyang programa at proyekto na nakatuon sa positibo, pagkakaisa at pag-asa ang lahat.
“Ito na ang panahon upang isantabi ang mga kulay na naghahati-hati sa atin. Ito na ang pagkakataon upang ipakita ang lakas ng ating kakayahang bumuo ng isang malusog at maunlad na pamayanan para sa ating mga anak at sa mga susunod na salinlahi,” saad pa ng gobernadora.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.