Sa unang araw ng kanyang pagbabalik bilang pinuno ng lungsod ng Taguig, agad binalikan at kinamusta ni Mayor Lani Cayetano ang pagpapatupad ng kanyang mga dating programang pangkalusugan, kaayusan at kabuhayan.
Unang binisita ni Cayetano ang pagkasa ng Taguig Love Caravan sa Barangay Lower Bicutan kung nagsagawa ng libreng medical at dental services, tulad ng check-ups, laboratory tests at wellness checks.
Sinabi pa nito, pagbubutihin pa niya ang mga programang pangkalusugan na inumpisahan ni dating Mayor Lino Cayetano, partikular na ang pagtugon sa COVID-19.
Dumalo rin ito sa Work for Pay orientation sa RP Cruz Elementary School kung saan mabibigyan ng trabaho ang higit 200 residente ng lungsod.
Kinamusta rin niya ang peace and order situation sa lungsod kina Police Col. Robert Baeza, ang hepe ng pulisya ng Taguig at Western Bicutan Chairman Pedrito Bermas.
Tampok sa kanyang panunumpa ang seremonya ng pag-aalay kung saan nagbilin ito sa mga opisyal at kawani ng pamahalaang-lungsod na gawing sentro ng kanilang paglilingkod ang Dakilang Lumikha.
Ginawa ito sa pamamagitan na rin ng kanyang unang executive order at ipaalala na hindi kailanman dapat kunsintihin ang korapsyon.