#DomengPH, maari pang lumakas at maging tropical storm sa susunod na 24 oras
Naging ganap na Tropical Depression Domeng bandang 2:00, Huwebes ng hapon (Hunyo 30).
Base sa abiso ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 930 kilometers Silangan ng extreme Northern Luzon dakong 4:00 ng hapon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.
Tinatahak ng bagyo ang direksyong Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Sa ngayon, walang nakataas na tropical cyclone wind signal sa anumang parte ng bansa.
Gayunman, kasama ang Tropical Storm Chaba, na dating tinawag na Caloy, pinalalakas ng naturang sama ng panahon ang monsoon trough at Southwest Monsoon kung kaya’t nakararanas ng pag-ulan sa Kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon.
Sa forecast ng weather bureau, inaasahang unti-unting bibilis ang pagkilos ng Bagyong Domeng habang patungo sa direksyong Hilaga Hilagang-Kanluran sa susunod na tatlong araw.
Sinabi pa ng PAGASA na mananatili itong malayo sa kalupaan ng Pilipinas.
Dagdag nito, maari pang lumakas ang bagyo at umabot sa tropical storm category sa susunod na 24 oras.
Maaring lumabas ang bagyo ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado ng gabi, Hulyo 2, o Linggo ng umaga, Hulyo 3.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.