Handa si outgoing Senate President Vicente “Tito” Sotto III na isapubliko ang lahat ng kanyang nalalaman ukol sa mga sinasabing protektor ng smuggling at smugglers ng mga produktong agrikultural.
Pinaninindigan ni Sotto na ang listahan na isinama niya sa committee report ng pinamunuan niyang Committee of the Whole ay mula sa intelligence report ng isang ahensiya ng gobyerno.
Pinalagan nito ang halos pagtanggi ng isang intelligence agency na sa kanila nagmula ang mga pangalan.
“Wag nilang sasabihin na kami may ginawang mali o may ginawang ‘di tama, ‘di puwede yun sapagkat inilalagay ko lang sa lugar,” diin ni Sotto.
Aniya, may mga ebidensiya siya para patunayan na totoo ang kanyang mga sinasabi.
Nabanggit din nito na naisumite na rin niya sa Office of the Ombudsman ang committee report at laman nito ang kanyang rekomendasyon kung sino ang mga dapat imbestigahan at kasuhan.