Panalo ni Robredo sa VP race, birthday gift sa asawa na si Jesse
Itinuturing ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo na isang napakagandang birthday gift para sa kaniyang asawang si yumaong Interior Secretary Jesse Robredo ang kaniyang pagka-panalo bilang susunod na bise presidente ng Pilipinas.
Sa pagsasara ng huling araw ng canvassing ng Kongreso, si Robredo na ang opisyal na nanalo sa vice presidential race sa botong 14,418,817. Lamang si Robredo ng 263,473 na boto kay Sen. Bongbong Marcos na nakakuha ng 14,155,344.
Masayang-masaya si Robredo dahil hindi nila inaasahang matatapos na ang canvassing Biyernes ng gabi, lalo na’t nagkataon pang nai-deklara siyang panalo sa mismong kaarawan ng kaniyang asawa.
Inaasahan na rin ni Robredo na magpo-protesta si Marcos sa naging resulta ng canvassing ng mga boto dahil “vocal” naman aniya ang kampo nito sa pagre-reklamo.
Ngunit iginiit pa rin ng Vice President-elect na napatunayan na nilang hindi totoo ang binibintang sa kanila na pandaraya.
Samantala, sinabi naman ni Robredo na 100% niyang susuportahan si President-elect Rodrigo Duterte, dahil ito aniya ang ibinigay na mandato ng mga Pilipino at obligasyon niyang ibigay ang kaniyang suporta sa bagong pangulo.
Masyado pa naman aniyang maaga para lumapit siya kay Duterte at makipag-usap, at hihintayin na lang muna niyang matapos ang proklamasyon bago niya ito gawin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.