Bagyong Caloy, napanatili ang lakas habang kumikilos pa-Hilaga Hilagang-Kanluran
Napanatili ng Tropical Depression Caloy ang taglay na lakas habang mabagal na kumikilos sa direksyong Hilaga Hilagang-Kanluran.
Sa severe weather bulletin ng PAGASA bandang 5:00, Miyerkules ng hapon (Hunyo 29), huling namataan ang bagyo sa layong 410 kilometers Kanluran ng Iba, Zambales dakong 4:00 ng hapon.
May taglay na lakas ng hanging 45 kilometers per hour ang bagyo malapit sa gitna, at pagbugsong 55 kilometers per hour.
Sa ngayon, walang nakataas na tropical cyclone wind signal sa anumang parte ng bansa.
Sa susunod na 24 oras, inaasahang mapapalakas ng bagyo ang monsoon trough at Southwest Monsoon kung kaya’t makararanas ng pag-ulan sa Kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.
Base sa forecast ng weather bureau, magpapatuloy ang mabagal na pagkilos ng bagyo pa-Hilagang Kanluran hanggang Huwebes ng hapon, Hunyo 30.
Maari ring lumabas ang bagyo ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na 24 oras.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.