Umaasa ang isang grupo ng mga pribadong ospital sa bansa na magbibigay sa kanila ng subsidiya ang gobyerno para sa pagtaas ng suweldo ng kanilang nurses.
Ngunit inamin naman ni Dr. Jose de Grano, pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI), na wala pang pormal o opisyal na komunikasyon ukol sa subsidiya.
Aniya umaasa lamang sila bunga na rin ng kanilang pakikipag-usap sa isang grupo ng mga nurse.
“Ito ay baka mag-umpisa kasi nagkausap po kami ng grupo ng mga nurses at nung kami po ay magkausap ay sinabi po na ito ang posibleng gawin at baka po dun sa kanilang pino-propose na bill na ipasok sa Kongreso ay kasama na po ‘yan,” sabi ni de Grano sa isang panayam sa telebisyon.
Naibahagi nito na halos 40 porsiyento ng nurses sa mga pribadong ospital ay umalis bago pa man tumama ang COVID-19 pandemic.
Sa kanyang pagtataya, ito ay nadagdagan pa ng 10 porsiyento at marami pa ang nais na rin makapag-trabaho sa ibang bansa, kung saan ay mataas ang sahod.