Occidental Mindoro, binabalot ng dilim dahil sa ERC
Pinangangambahan na sa mga susunod na buwan mababalot ng dilim ang Occidental Mindoro bunga ng mabagal na pagkilos ng Energy Regulatory Commission (ERC), sa pamumuno ni Chairperson Agnes Devanadera.
Ibinahagi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na inihinto na ng Occidental Mindoro Consolidated Power Corp. (OMCPC) ang pagsu-suplay ng kuryente sa Occidental Mindoro Power Cooperative (OMECO) sa katuwiran na natapos na ang kanilang kontrata.
Sinabi ni Zarate na noong Sabado, wala ng kuryente sa 11 bayan ng lalawigan at ito ay dahil sa kawalan ng aksyon ni Devanadera sa hiling ng OMECO na palawigin ang kontrata.
Binatikos nito ang direktiba diumano ng opisyal na kumuha na lamang ang kooperatiba ng kuryente sa OMCPC kahit alam niya na tapos na ang kontrata.
“Susmaryosep! Abogada ba talaga si Devanadera? Bilang isang abogada dapat alam niya ang mga kalakip na sirkumstansiya sa pagtatapos ng isang kontrata. Bilang namumuno sa ERC, dapat prayoridad niya ang tiyaking nasa ayos ang mga kontrata sa pagitan ng power producers at mga kooperatiba,” diin ni Zarate.
Puna pa nito, nagiging mabilis lamang ang ERC kung ang nalalagay sa alanganin ay ang Manila Electric Co. at Aboitiz Power.
Hiling din nito na papanagutin si Devanadera, na aniya ay target pa na maitalagang kalihim ng Department of Energy (DOE).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.