Duterte kay Marcos: Ituloy ang mga proyektong nagpapasaya sa mga Filipino

May pakiusap si Pangulong Rodrigo Duterte kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ay ang ipagpatuloy sana ang mga proyektong nagpapasaya sa sambayanang Filipino.

Sa talumpati ng Pangulo sa Kadayawan Homes sa Bangkal, Talomo, Davao City, hinakayat nito ang kanyang long-time aide na si Senador Bong Go at Senator-elect JV Ejercito na ilako kay Marcos ang kanyang mga proyekto.

Partikular na tinutukoy ng Pangulo ang pabahay project para sa mga mahihirap.

“But I hope that the next administration will also continue the things that would make our people happy. Although not all but may makita sila that we are doing something with the money of the people. Napakaganda naman ng — hindi pa ako pumasok pero mag-ikot ako ngayon and I’ll try to inspect the units,”pahayag ng Pangulo.

“And these are the things that we would like to continue sana but hindi ko na panahon. So I hope that the program — nandito man si Senator — ‘yung dalawa, sana sila na ang mag-udyok sa administrasyon na hindi kalimutan ‘yung mga proyektong naumpisahan na napakaganda,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi pa ng Pangulo na pinagsumikapan niyang mabigyan ng pabahay ang lahat ng sektor sa komunidad.

Bukod sa pabahay sa mga mahihirap, nagpatayo rin ng pabahay ang Pangulo para sa mga nabiktima ng bagyo at iba pang uri ng kalamidad, mga indigenous people communitt at mga dating rebelde na sumuko sa pamahalaan.

Una nang sinabi ni Marcos na itutuloy niya ang mga programang nasimulan ni Pangulong Duterte gaya ng Build, build, build program at anti-drug war.

 

Read more...