P3,000 monthly subsidy sa PUV drivers naiisip ni Sen. Win Gatchalian

PHILIPPINE DAILY INQUIRER PHOTO

Binabalak ni Senator Sherwin Gatchalian na ipanukala ang pagbibigay ng buwanang P3,000 subsidiya sa public utility drivers dahil sa patuloy na pagtaas ng mga produktong-petrolyo.

Ayon kay Gatchalian, ang naiisip niyang subsidiya ay hanggang limang buwan.

Aniya sapat na ang P4 bilyon para sa kanyang balakin base sa mga nakarehistrong operators at drivers sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sinabi pa ng senador na maaring gumawa ng supplemental budget o hugutin ang pondo sa ‘unobligated funds’ ng ilang ahensiya ng gobyerno.

Aniya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang namamahagi ng fuel subsidy sa mga jeepney at bus operators at drivers, ang Department of Trade and Industry (DTI) naman sa mga delivery service riders at sa mga tricycle drivers ang lokal na pamahalaan ang nangangasiwa sa distribusyon.

Kailangan naman aniya may konsultasyon sa kakailanganin na ayuda ng taxi drivers at operators.

Sinabi pa ng namumuno sa Senate Committee on Energy kailangan na magkaroon ng sapat na pondo sa 2023 national budget para sa pagbibigay ng ayuda sa public transport sector base sa pagtataya na aabutin ng ilang taon ang kasalukuyang sitwasyon sa suplay ng langis.

Read more...