Hiniling ng isang kilalang kaalyado ni Pangulong Duterte sa Korte Suprema na ipawalang-bisa ang pagpayag ng Commission on Elections (COMELEC) sa nominasyon ni Maria Rowena Guanzon bilang nominado ng Komunidad ng Pamilya, Pasyente, at Persons with Disabilities (P3PWD) partylist group.
Si Guanzon ay nagsilbing komisyoner ng Comelec hanggang sa kanyang pagreretiro ilang araw bago ang eleksyon noong Mayo 9.
Inihain ang petisyon nina Duterte Youth Partylist Rep. Ducielle Cardema at ng kanyang mister na si National Youth Commission Chair Ronald Cardema.
Nais ng mga Cardema na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) para hindi matuloy ang pag-upo ni Guanzon sa Kamara.
Magugunita na noong Hunyo 15, inanunsiyo ng Comelec ang pagbawi ng nominasyon ng limang orihinal na nominees ng P3PWDs at kabilang sa pumalit sa kanila si Guanzon, na naging first nominee.
Sa kanilang petisyon, iginiit ng mga Cardema na nilabag ng desisyon ang mismong batas ng Comelec ukol sa deadline of substitution, bukod sa maituturing itong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at sa Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees.