Inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na higit 80 porsiyento ng mga pampublikong paarala sa bansa ang handa na sa in-person classes sa papasok na School Year 2022-2023.
Sinabi ni Education Undersecretary Nepomuceno Malalauan ang mga naturang paaralan ay nakakasunod na sa lahat ng alintuntunin para sa ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes.
Kasama na aniya dito ang tamang bentilasyon ng mga silid-paaralan at pasilidad para sa paghuhugas ng mga mag-aaral ng kanilang mga kamay.
Dagdag pa ng opisyal, ngayon bakasyon ang mga estudyante ay mas maihahanda ang mga eskuwelahan.
“Tinatanya natin na dapat lahat ng paaralan ay may kahandaan na magbukas pero nakabatay pa rin yan sa Covid-19 alert levels at that time,” dagdag pa ng opisyal.
Base sa bagong guidelines ng Department of Health (DOH), maaring magluwag ang mga paaralan sa ‘physical distancing protocols’ sa mga lugar kung saan umiiral ang Alert Level 1.