WATCH: Hindi paglipad ng 400 Filipino Hajj pilgrims, isolated case lang

Kuha ni Richard Garcia/Radyo Inquirer On-Line

Nilinaw ng isang opisyal ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na walang pananabotahe sa hindi pagkakaalis ng may 400 Filipino Muslims para sa kanilang Hajj, Linggo ng gabi (Hunyo 19).

Sinabi ni NCMF Dir. Malo B. Manonggiring na ‘isolated case’ lamang at walang may kagustuhan ng nangyari.

Ibinahagi ni Manonggiring na nakaalis ang unang batch ng Filipino Muslims patungo sa Mecca, Saudi Arabia noong Hunyo 16 at gayundin kinabukasan at Hunyo 18 ang mga grupo na magsasagawa ng kanilang religious pilgrimage sa Mecca, Saudi Arabia.

Nabatid na ang 400 Filipino Muslims na dapat ay aalis sakay ng Saudia Airlines at Qatar Airways, Linggo ng gabi, ay hindi nakaalis dahil hindi pa sila naisyuhan ng pilgrimage visa.

Paliwanag naman ni Dulcenda Libasan, acting finance officer ng Hajj, nakapagbayad na sila para sa 2,000 pilgrims at may naipadala pa silang bayad para naman sa karagdagan pang 1,500 Filipino Muslim pilgrims.

Aniya, nagkaroon lamang ng kalituhan dahil sa bagong sistema na ipinatutupad ng gobyerno ng Saudi Arabia, na ang mandato ay tulad sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Libasan, hindi agad naipasok ang bayad ng service providers dahil sa limitasyon sa maaring maideposito.

Sinegundahan ang paliwanag na ito ni Lawrence Dilangalen, isa sa mga nangangasiwa sa Hajj ng Filipino Muslims.

Dagdag na lamang nito ang bayad naman para sa pilgrimage visa ng mga dapat na aalis noong Linggo ng gabi ay naibayad sa hotel accomodations ng naunang mga grupo dahil na rin hindi makapagpasok ng pera ang service providers sa Saudi Arabia.

Ayon pa kay Dilangalen, inaasahan nilang maipapasok na ang pera para sa visa ng paalis pang Filipino Muslims.

Pag-amin na rin ni Manonggiring, may ‘lapses’ sa kanilang bahagi at nagbunga ito ng kalituhan.

Narito ang bahagi ng pahayag ni Manonggiring:

Read more...