Ikinulong ng mga otoridad ng Malaysia sina Odelin Baisa, Nelson Plamiano at Arlon Sandro dahil umano sa pangingisda sa teritoryo ng Malaysia. Gayunman, iginiit ng mga mangingisda, sila ay nangingisda 17 nautical miles lang ang layo sa Rizal reef.
Ayon sa mga mangingisda, pinosasan daw sila, pinagsa-sampal, sinuntok at sinipa sa dibdib ng nasa 20 tauhan ng Malaysian Navy.
Sa isang pahayag, sinabi ni Foreign Secretary Rene Almendras na pinagsi-sisihan ng pamahalaan ng Malaysia ang nangyari at nangakong parurusahan ang mga tauhan ng kanilang navy na nang-gulpi sa mga Pinoy.
Masaya naman ang isa sa mga mangingisda na si Baisa dahil umaaksyon ang Malaysia sa kanilang reklamo at isa aniya itong pahiwatig na makukuha nila ang hustisya.
Ayon pa kay Baisa, tandang-tanda nila ang mga mukha ng mga nang-gulpi sa kanila at kaya nila itong tukuyin kung makikita nila ito nang harapan.
Determinado rin silang mag-sampa ng kaso laban sa mga ito upang hindi na maulit ang ganitong insidente.
Tiniyak pa ni Almendras na kumikilos na ang Malaysia para parusahan ang mga dapat parusahan.