Nais ni Senator-elect Alan Peter Cayetano na magsilbing ‘elder statesman’ si Pangulong Duterte pagkatapos ng anim na taong termino nito sa Hunyo 30.
Naniniwala ito na malaki pa ang maitutulong ni Pangulong Duterte sa mga hamon dulot ng nagpapatuloy na pandemya.
“I hope the President will continue to be our elder statesman. Kailangan na kailangan pa rin natin si President Duterte kahit wala na siyang posisyon,” ani Cayetano, na nanumpa kay Pangulong Duterte sa Malakanyang kasama ang kanyang maybahay, si incoming Taguig Mayor Lani Cayetano.
Kasabay nito, hinikayat ng nagbabalik na senador ang mamamayan na suportahan at ipagdasal ang mga opisyal ng gobyerno sa katuwiran na ang tagumpay ng mga namumuno ay magiging tagumpay ng bansa.
“Sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin, sa sobrang dami ng mga problema, whether administrasyon o oposisyon, majority or minority, we all have to play a role in building our nation at magtulong-tulong We all have to pray for the success of each other” dagdag pa nito.