Bank accounts ng pulis na naaresto dahil sa droga, ipapa-freeze sa AMLC
Ipapa-freeze na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga bank accounts ng pulis na naaresto dahil sa pagbebenta ng iligal na droga.
Ayon kay NBI-National Capital Region deputy chief Rommel Vallejo, bukod sa pag-freeze ng accounts ni PO2 Jolly Aliangan, bubusisiin rin ng mga imbestigador ang mga financial statements nito.
Hinala kasi ng mga imbestigador, isang milyonaryo si Aliangan sa kabila ng buwanang sweldo nito na P23,000 lamang bilang pulis.
Posible rin aniya na mas marami pa ang pera ni Aliangan bukod sa P7 milyon na nasamsam sa kaniyang bahay sa raid na ginanap noong Miyerkules.
Mayroon ring iba pang ari-arian si Aliangan bukod sa tatlong-palapag na bahay nito sa Sampaloc, Maynila dahil ayon sa kanilang imbestigasyon, lumalabas na hindi bababa sa tatlo ang kaniyang mga bahay.
May dalawang sasakyan rin si Aliangan na Toyota Altis at Mitsubishi Montero.
Pinaniniwalaang ang mga drogang hawak ni Aliangan ay isinu-supply ng isang sindikato na ang pinuno ay kasalukuyang nakakulong sa Bilibid.
Ayon naman kay NBI-NCR chief Max Salvador, ibinebenta rin ni Aliangan ang mga iligal na drogang nasa-samsam sa kanilang mga operasyon.
Bukod kay Aliangan, arestado rin ang pinsan nitong si Jeffrey Gutierrez bilang kasabwat, at ang asawa niyang si Ronalie dahil naman sa pag-flush ng mga shabu habang nagaganap ang raid.
Sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Dir. Joel Pagdilao na sasampahan nila ng kasong grave misconduct si Aliangan na ngayon ay naka-indefinite leave of absence dahil sa pagkakakulong kaugnay ng mga kasong kriminal na kinakaharap niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.