(UPDATED) Sumiklab ang sunog sa Metropolitan Theatre sa bahagi ng Arroceros sa Ermita, Maynila, Biyernes ng umaga (Hunyo 17).
Batay sa ulat ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot sa ikalawang alarma ang sunog bandang 9:00 ng umaga.
Naging kontrolado ang sunog dakong 9:23 ng umaga at tuluyang naapula bandang 9:41 ng umaga.
Ayon naman sa pamunuan ng Metropolitan Theater, nagmula ang sunog sa isang silid sa unang palapag ng Padre Burgos Wing ng gusali na inaayos sa ilalim ng Phase 2 ng proyekto.
Hindi naman anila kumalat ang apoy sa ibang bahagi ng complex o ng Tanghalan.
Tiniyak din nito na walang nasawi at naitalang pinsala sa pag-aari, maliban sa ilang luma at bulok na kagamitan na tinanggal sa iba’t ibang bahagi ng Tanghalan.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng Metropolitan Theater sa mga tumulong upang agad na maapula ang sunog.
Sa ngayon, inaalam pa kung ano ang naging sanhi ng sunog sa nasabing lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.