EDSA Timog Flyover-Southbound, pansamantalang isasara – MMDA
Pansamantalang isasara ang dalawang lane ng EDSA Timog Flyover-southbound simula sa araw ng Biyernes, Hunyo 17.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), bunsod ito ng isasagawang pagsasaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa loob ng isang linggo.
Mayroon kasing nakitang malalaking potholes at biyak sa naturang flyover noong Huwebes ng gabi, Hunyo 16.
Sinabi ng ahensya na nagdesisyon ang DPWH inspectors na isara ang dalawang lane ng naturang flyover upang masiguro ang kaligtasan ng mga motorista.
Base sa inisyal na assessment, kasama sa gagawing pagsasaayos ang pagpapalit ng deck slab ng flyover.
Samantala, mananatili namang bukas ang isang lane ng flyover, ngunit ilalaan lamang ito para sa public utility buses.
Abiso naman sa mga motorista, dumaan muna sa service road o Scout Borromeo Street, Eugenio Lopez Drive, at iba pang Mabuhay lanes bilang alternatibong ruta.
Sa ngayon, kapansin-pansin na ang mabagal na galaw ng trapiko sa nasabing lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.