Bilang ng COVID 19 patients sa private hospitals mababa pa rin
Nananatiling mababa ang bilang ng mga COVID 19 patients sa mga ospital.
Ito ang ibinahagi ni Dr. Jose Rene de Grano, pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines, dahil aniya marami sa mga nagpopositibo ay nakararanas lamang ng mild symptoms at hindi na kailangan pa na maospital.
“Ang atin pong mga private hospitals, presently po, although nagkakaroon po kami ng mga cases ng mga positive COVID, hindi naman po ganoon kadami. Siguro dahil karamihan doon sa mga nagpa-positive ay with mild symptoms lang. So instead na magpa-admit, nagsi-self-quarantine na lang po sila,” pahayag ni de Grano.
Dagdag pa niya; “So ang atin pong mga hospital utilization rate dito sa ating mga private hospitals, hindi po ganoon kataas kapag COVID-19 rates po, sa mga COVID-19 cases. Right now, iyong dumadami po sa amin are the non-COVID cases po.”
Sa ngayon, sabi pa ni de Grano, ang kanilang binabantayan ay pagdami ng mga non-COVID 19 cases.
“Most probably kasi po ito ay brought about o dahil itong mga dating sakit nila, iyong mga comorbidities nila – halimbawa, hypertension, diabetes, mga asthma, mga iba’t ibang sakit katulad ng cancer at saka mga sakit sa bato – na napabayaan siguro for the past two years or more ay ngayon na lang nila nakikita na parang nagkaka-affect sa kanila iyong hindi nila regular na pagpa-check-up,” aniya.
May mga pasyente din na tinamaan ng trangkaso, dengue at iba pang infectious diseases.
Tiniyak naman ni de Grano na handa ang mga pribadong ospital sakaling muling tumaas ang bilang ng mga magpo-positibo sa COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.