Patuloy na makatatanggap ng mga benepisyo at allowance ang healthcare workers sa Lung Center of the Philippines (LCP) at iba pang opsital na lumalaban sa COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Alinsunod ito sa requirements at procedures na itinakda upang masiguro ang epektibo at transparent delivery ng mga benepisyo.
Base sa inilabas na pahayag, sinabi ng kagawaran na nakatanggap ang LCP ng P86,854,545.45 noong 2021 para sa Active Hazard Duty Pay at Special Risk Allowance, habang P45,771,000 naman ang inilaan para sa Meals, Accommodation and Transportation (MAT) ng health workers na kabilang sa COVID-19 response alinsunod sa mga probisyon ng Bayanihan 2.
Sa taong 2022, nakatanggap ang LCP at naipamahagi na ang P8,593,093.75 at P9,166,812.50 para sa One COVID-19 Allowance (OCA) para sa buwan ng Enero at Pebrero.
Naipadala naman ang pondong P9,320,250 para sa OCA sa Marso noong Hunyo 8.
Nangako ang pamunuan ng LCP na agad nilang ibibigay ang OCA sa lalong madaling panahon.
“The DOH recognizes the immense contribution of our valiant healthcare workers (HCWs) in the fight against COVID-19,” pahayag ni Health Undersecretary at Chief of Staff Dr. Leopoldo Vega.
Mahigpit aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) upang matiyak ang pondo para maipagpatuloy ang pagbibigay ng mga benepisyo at allowance.
Dagdag nito, “One of these, the One COVID-19 Allowance or OCA, will become the Health Emergency Allowance or HEA, once the Implementing Rules and Regulations of Republic Act 11712 is issued soon. We are one with all frontline healthcare workers in this regard.”