SUV driver na sumagasa ng guwardiya sumuko sa Camp Crame
Kasama ang kanyang mga magulang, lumutang na sa Camp Crame ang driver ng sports utility vehicle (SUV) na nakasagasa ng guwardiya sa isang shopping mall sa Mandaluyong City noong nakaraang linggo.
Iprinisinta ni PNP officer-in-charge, Lt. Gen. Vicente Danao Jr., si Jose Antonio Valmonte Sanvicente.
Sinabi ni Danao na maging ang SUV, isang Toyota RAV4 (NCO 3781), ay isinuko na rin ng kampo ni Sanvicente at aniya ito ang pinakamahalagang ebidensiya sa kaso.
Dagdag pa ng opisyal, natakot at nag-panic ang driver nang mabundol at masagasaan niya ang 31-anyos na guwardiyang si Christian Joseph Floralde noong Hunyo 5.
Pinayuhan niya aniya ang pamila ni Sanvicente na humarap sa publiko para depensahan ang sarili at para humingi na rin ng paumanhin dahil sa pangyayari.
Ayon naman sa mga magulang ng suspek, mabait at responsableng bata ang kanilang anak at anila labis na rin sila apektado ng pangyayari.
Una nang binawian ng Land Transportation Office (LTO) ng kanyang lisensiya si Sanvicente, na nadiskubre na tatlong beses nang nahuli dahil sa ‘reckless driving.’
Nasa Mandaluyong City Prosecutors Office na ang kasong frustrated murder na isinampa laban kay Sanvicente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.