Dalawang illegal aliens naaresto sa Zamboanga City, Basilan

Photo credit: Bureau of Immigration

Mahaharap sa deportation ang dalawang illegal aliens na nahuli sa Mindanao dahil sa pagiging overstaying at ilegal na pagtatrabaho sa bansa, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Tinukoy ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang dalawang dayuhan na sina Rafshad Cherikkal Phutiyapurayil, 33-anyos na Indian national, at Zain Ul Abideen, 25-anyos na Pakistani.

Naaresto ng mga tauhan ng BI intelligence division ang dalawang dayuhan sa magkahiwalay na operasyon sa Zamboanga City at Basilan noong Hunyo 8.

“They will undergo deportation proceedings for overstaying, being undocumented and violating the conditions of their stay in the country,” pahayag ng BI chief.

Sinabi ni Morente na mapapabilang ang dalawang dayuhan sa blacklist at hindi na maaring makapasok sa Pilipinas.

Ayon kay BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr., inireklamo ang dalawang dayuhan ng mga residente sa kanilang pinagtatrabahuhan dahil sa mga ginagawang aktibidad nang walang permit at visa.

Napag-alamang ilang taon na ang nakalipas nang makarating sa bansa sina Phutiyapuravil at Abideen.

Dagdag nito, “We also received intelligence reports that he (Abideen) is allegedly engaged in smuggling of goods from Malaysia, money lending and selling of plastic wares in Isabela City (Basilan).”

Ayon pa sa ahensya, itinuturing ng militar ang Pakistani na may “suspicious personality” dahil namataan ito sa ilang lugar ng Abu Sayaf Group (ASG) terror group.

Mananatili ang dalawang dayuhan sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang isinasagawa ang deportation proceedings.

Read more...