Idinaos ang Climate Smart Shrimp Aquaculture Forum sa Sequoia Hotel sa Quezon City para sa pagsusulong ng responsable at pinaigting na produksyon ng mga hipon sa bansa.
Kabilang sa mga dumalo sina Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) National Dir. Eduardo Gongona, Executive Dir. Dinna Umengan, ng Tambuyog Development Center, Country Exec. Dir. Enrique Nuñez, ng Conservation International Philippines at Garret Goto, ang Aquaculture Manager ng Conservation International Center for Oceans.
Layon ng pagtitipon na maipaliwanag at maisulong ang Climate Smart Shrimp (CSS) Aquaculture Model, na ang layon din ay mapangalagaan ang mangroves.
Ibinahagi ni Gongona na malapit nang ilabas ng kawanihan ang Industry Roadmap for Shrimp for 2021 – 2040.
Paliwanag niya, ito ay para mapalago pa ang industriya ng hipon sa maayos at responsableng sistema.
Ayon naman sa Conservation International at Tambuyog Development Center, napakahalaga at napapanahon ang CSS dahil napapangalagaan pa ang mangrove ecosystem sa responsableng produksyon ng hipon.
Nabatid na sa Pilipinas, tinatayang 200,000 ektarya ng mangroves ang napinsala ng aquaculture activities at industrial development.