Sen. Bong Go, bukas sa ‘Cha Cha’

Photo credit: Sen. Bong Go/Facebook

Pabor si Senator Christopher “Bong” Go na amyendahan ang 1987 Constitution sa katuwirang higit na itong tatlong dekada.

Sinabi lang ni Go na ang kanyang pagpabor ay dapat sa interes ng mamamayang Filipino.

“Alam n’yo, 35 years na po na hindi nagagalaw ang Constitution natin. Marahil po, alam n’yo mayroong mga nasa loob ng Constitution na dapat pong pag-aralan po muli, halos iba diyan kailangan na talagang baguhin,” sabi ni Go sa pagbisita niya sa Super Health Center sa Bagumbayan, Sultan Kudarat.

Sinabi pa nito na ngayon ang tamang panahon ng ‘Charter change’ o ‘Cha Cha’ dahil papasok ang bagong administrasyon.

“Kung kailangan nating galawin at magkakaroon tayo ng charter change maganda kung ngayon po. Huwag yung patapos na yung termino. Ngayon na, para atleast presko pa yung termino ng mga elected officials. Simulan na po na tingnan mabuti,” dagdag pa ng senador.

Una nang hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang papasok na bagong administrasyon na simulant na ang proseso para maamyendahan ang Saligang Batas.

Partikular pa nitong binanggit ang paglusaw sa party-list system na aniya’y inaabuso para sa mga pansariling interes.

Read more...