Independence Day job fair, dinagsa ng 28,000 na naghahanap ng trabaho
Higit 28,000 naghahanap ng trabaho ang nagtungo sa job fairs ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa iba’t ibang bahagi ng bansa kasabay nang paggunita ng Araw ng Kalayaan, araw ng Linggo (Hunyo 12).
Ayon sa DOLE, 151,000 trabaho sa loob at labas ng bansa ang inialok sa “Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Job and Business Fair”.
Sa bilang ng mga aplikante, 2,405 ang sigurado na sa inaplayan na trabaho, samantalang 9,537 sa kanila ang ‘near hires’.
May 315 aplikante ang pinagbilinan na magtungo sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sumailalim sa skills training, 190 ang pinapunta sa Bureau of Workers with Special Concerns para sa livelihood training/assistance at 267 naman ang pinapunta sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa kanilang balakin na mag-negosyo.
Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na 1,163 kompaniya at mga negosyante ang nakibahagi sa job fair at ang mga ito ay nag-alok ng 151,325 local and overseas jobs.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.