Pangulong Duterte, dadalo sa anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Rizal Park

Kuha ni Chona Yu/Radyo Inquirer On-Line

Dadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-124 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Rizal Park sa Manila sa Hunyo 12.

Batay sa abiso ng Malakanyang, kumpirmado na ang pagdalo ng Pangulo.

Tema ng pagdiriwang sa taong 2022 ay “Kalayaan 2022: Pagsuong sa hamon ng panibagong bukas.”

Ito na ang huling pagkakataong dadalo ang Pangulo sa Araw ng Kalayaan, bago ito ganap na bumaba sa pwesto sa tanghali ng Hunyo 30, 2022.

Pagkatapos sa Rizal Park, agad na magtutungo ang Pangulo sa Port Area sa Manila para sa commissioning ng BRP Melchora Aquino.

Ang BRP Melchora Aquino ay isang 97-meter multi-role response vessel na bagong barko na binili ng Philippine Coast Guard (PCG) sa bansang Japan.

Pagkatapos nito, magtutungo rin ang Pangulo sa Brgy Ugong, Valenzuela para sa pagbaba ng unang tunnel boring machine na gagamitin para sa paghuhukay ng lupa para sa gagawing subway project.

Magkakaroon din dito ng train demonstration, at pagtatanggal ng belo sa Philippine Railways Institute Interim Simulator Training Center ng Metro Manila Subway Project.

Inaasahan ang partial opening ng Metro Manila Subway sa 2025 at fully operational sa 2027 para sa 15 stations nito mula Valenzuela hanggang Bicutan, Taguig.

Read more...