Dalawa pang labor agreements sa pagitan ng Pilipinas at Germany ang nabuo para sa mga oportunidad sa mga manggagawang Filipino, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.
“These two freshly signed bilateral labor instruments with Germany are the gifts of the Philippine government to our Filipino migrant workers in recognition of their sacrifices, perseverance, and diligence that have kept our nation afloat amidst the global crisis in the last two years,” sabi ni Bello.
Aniya ang mga oportunidad sa Germany ay para sa mga Filipino professionals, gayundin sa skilled workers, partikular na ang electrical mechanics and fitters, electronics servicers, cooks, hotel receptionists, waiters, plumbers at pipe fitters.
Pinirmahan nina Bello at German Minister of Health Karl Lauterbach ang memorandum of understanding para naman sa deployment ng Filipino healthcare professionals para mapaigting pa ang recruitment ng nurses.
Gayundin nagbukas din ito ng oportunidad para sa Filipino physiotherapists, radiographers, occupational therapists, biomedical scientists, at iba pang allied health professionals.
Nagpahayag din ng kagalakan si Bello dahil sa pantay na pagtrato ng gobyerno sa Germany sa kanilang mamamayan at mga Filipino sa kanilang bansa.