Sinabi ng isang mataas na opisyal ng Department of Energy (DOE) na nahaharap sa krisis sa enerhiya ang Pilipinas sa susunod na taon.
Ayon kay Energy USec. Benito Ranque, isa ito sa mga kinakailangan na harapin ng papasok na administrasyong-Marcos Jr., dahil sa malawak na epekto ng ‘energy crisis.’
Iginiit naman ni Ranque na may mga pamamaraan para maiwasan ang krisis at ang kailangan lamang ay maging bukas ang mga opisyal sa mga makabagong teknolohiya.
Binanggit nito ang paggamit ng ‘modular nuclear reactors’ na maaring ibiyahe saan man panig ng bansa at kayang bigyan ng kuryente ang isang isla dahil ginagamit na ito sa US at China.
Malaking tulong din ito aniya sa mga lugar na mapuputulan ng suplay ng kuryente sa tuwing may kalamidad.
Sinabi pa ni Ranque na ang pinangangambahan na krisis ay bunga ng kabiguan ng kasalukuyang pamunuan ng kagawaran na isulong ang adyenda sa enerhiya, kasama na ang pagpapatayo ng mas maraming power plants.
“Let’s be candid about this one. The government wasn’t able to build additional power generating facilities for the last 20 years. During these years, the population rapidly increased, which means more people are using the same buffer supply we had back in 2002,” paliwanag ng opisyal.
Kasabay nito, isinusulong din ni Ranque ang renewable energy development programs para sa mga kooperatiba sa buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.