Isinugod si Senator-elect Robin Padilla sa isang ospital sa Spain dahil sa high blood pressure.
Sa Facebook, sinabi ni Padilla na kasama niya ang kaniyang pamilya sa isang parke nang bigyang mahilo.
“Napakahirap intindihin ng nangyari sa akin. Wala akong kahit anong sakit pero bigla na lang ako nawalan ng lakas sa tuhod ko habang naglalakad sa parke dahilan para kagyat ako umupo sa ilalim ng puno. Nagdilim ang paningin ko at bumagsak ako sa puno sa likod ko. Hilong hilo ako,” saad nito.
May isa aniyang Espanyol na nakapansin sa kaniyang kalagayan kaya’t inalalayan siya.
“Hinanap ko kung nasaan ang asawa ko. Nakita ko ang 2 namin kapamilya kasama si Gabzy na himbing na himbing sa kanyang stroller. Wala si Mariel kasama si Isabela na nakasakay sa isa sa mga rides,” kwento pa nito.
Patuloy aniya siyang nahirapan sa paghinga at bumigat ang dibdib kung kaya’t naramdaman niyang kailangan niyang pumunta sa ospital.
“Nararamdaman ko na naman na nawawalan ng lakas ang tuhod ko. Parang babagsak na naman ako. Pagtingin ko sa kaliwa ng entrance gate, nakita ko ang clinic. Pinuntahan ko agad ito pumasok at sinalubong ako ng nurse na marunong mag-Ingles. Sinabi ko sa kanya ang nangyayari sa akin,” ani Padilla.
Umabot aniya sa 200/150 ang kaniyang blood pressure. Ikinagulat aniya ito ng nurse kaya’t nagdesisyong tumawag ng ambulansya.
“Sinaksakan ako ng dextrose/ECG. Unti-unti umepekto ang gamot. Naging 140/104. Napanatag ang lahat dahilan para alisin na ang mga aparato ng ambulansiya. Babayaran sana ni Mariel pero libre pala ang emergency service,” ayon pa kay Padilla.
Dumating aniya si Philippine ambassador to Spain Philippe Jones Lhuillier at iginiit na dalhin siya sa ospital upang masuri.
Ani Padilla, normal ang lumabas na resulta sa mga serye ng pagsusuri.
Binigyan lamang aniya siya ng gamot sa high blood pressure.