Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang Low Pressure Area (LPA) sa bansa.
Sinabi ni PAGASA Weather Specialist Ana Clauren-Jorda na huling namataan ang LPA sa layong 245 kilometers West Northwest ng Calapan City, Oriental Mindoro.
Mababa pa rin aniya ang tsansa na lumakas at maging bagyo ang LPA.
Gayunman, asahan pa rin aniyang magdudulot ang LPA ng mahina hanggang sa katamtaman na kung minsan ay malakas na pag-ulan sa Northern Palawan, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, CALABARZON, Central Luzon, at maging sa Metro Manila hanggang Miyerkules ng madaling-araw.
Bunsod nito, paalala ni Clauren-Jorda sa mga residente sa mga nabanggit na lugar, maging alerto at antabayanan ang mga update mula sa weather bureau ukol sa magiging lagay ng panahon.
Posible aniyang malusaw ang nasabing sama ng panahon sa susunod na 24 oras.
Samantala, sa bahagi naman ng Northern Luzon, Visayas at Mindanao, maninipis na kaulapan lamang ang umiiral.
Maari pa rin makaranas ng mga panandaliang pag-ulan dulot naman ng localized thunderstorms.