DILG sumulat sa Facebook para ipatanggal ang illegal e-sabong pages, accounts
Umapela ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Facebook na i-block o tanggalin ang mga account, group at page na humihikayat sa publiko na maglaro ng ilegal na e-sabong.
Nagpadala ng liham si DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya sa Meta upang hilingin na awtomatikong i-ban sa naturang social media platform at mga kaakibat o subsidiaries nito ang mga link, page na may kinalaman ukol sa operasyon ng illegal e-sabong.
Nagsumite si Malaya sa Meta Platforms, Inc. ng listahan ng pitong Facebook pages, groups at accounts na tinukoy ng Philippine National Police Anti-Cyber Crime Group.
Umaasa naman si DILG Secretary Eduardo Año sa pakikiisa ng Facebook sa kagawaran.
“Inaasahan namin na makikiisa rin ang Facebook sa pagpapatigil ng e-sabong sa pamamagitan ng pag-block sa mga e-sabong accounts o pages.” pahayag ng kalihim.
Ayon naman kay Malaya, sa kaniyang palagay, ang pagkakasangkot sa naturang ilegal na aktibidad ay paglabag sa standards ng Facebook.
“We hope that Facebook will immediately suspend or block pages devoted to illegal sabong as fast as they suspend pages that allegedly violate their community standards,” saad ni Malaya.
Dagdag nito, “We look forward to a fruitful cooperation, coordination, and collaboration on this matter in order to fully implement the ban on illegal e-sabong.”
Samantala, nagpasalamat ang kagawaran sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pakikinig sa apela ni Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto ang e-sabong operations sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.