Arestado ang isang Vietnamese national na lider ng notoryus na grupong nagpapautang sa Batangas at iba pang lugar sa Luzon.
Kasunod ng mission order ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, nahuli ng mga tauhan ng Intelligence Division si Vo Van Tai, 26-anyos, sa Purok Rosal, Poblacion West sa bahagi ng Science City of Munoz, Nueva Ecija.
Timbog din ang dalawang kasabwat nito na sina Vo Khac Binh at Vo Thi Mai, kapwa 49-anyos.
Napaulat na pinamumunuan ni Vo Van ang sindikato na ilegal umanong nagpapautang.
Kini-kidnap at sinasaktan din umano nito ang mga indibiduwal na hindi nakakabayad ng utang.
Base pa sa ulat, lumipat ng iba’t ibang lugar ang operasyon ng sindikato upang hindi mahuli ng mga awtoridad.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., nagpakita si Vo Van ng pekeng BIR TIN ID na may dala ng kaniyang alyas.
Mayroon pang naunang reklamo laban sa naturang dayuhan dahil sa mga pekeng dokumento upang maitago ang kaniyang totoo pagkatao.
Maliban sa pagiging ‘undesirable aliens’ dahil sa paggamit ng mga pekeng dokumento, itinuturing ding ‘undocumented’ at ‘overstaying’ ang dalawang kasabwat nito.
Dinala ang tatlong dayuhan sa BI Warden Facility sa Bicutan, Taguig City habang hinihintay ang deportation proceedings.
“These illegal businessmen are not welcome in the country. They do not follow our laws, and at the same time bring fear and disorder to the community,” pahayag ni Morente.
Pagtitiyak pa nito, “We will ensure that once deported, they will not be able to set foot in the country again.”