Walang legal na isyu para sa Palasyo ng Malakanyang kung itatalaga ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Pangulong Rodrigo Duterte bilang drug czar.
Ayon kay Deputy presidential spokesman Kris Ablan, sa ngayon, wala pang pasya si Pangulong Duterte kaugnay sa naturang usapin.
Nasa kamay na aniya ni Pangulong Duterte ang pagpapasya kung magiging drug czar.
“There is no legal impediment for [a] former President to assume an executive position in the Executive branch. Actually, puwede nga ring tumakbo ‘no hindi lang po sa pagka-Pangulo muli. So, wala pong legal impediment diyan,” pahayag ni Ablan.
“Now, whether tatanggapin po iyan ni President Duterte, nasa kaniya na po iyan. Sa pagkaalam po namin, the President is looking forward to his retirement. Pero welcome po iyang balita na iyan dahil si President na mismo ang nagsabi na kailangan pa ring tuluy-tuloy po ang laban sa droga,” dagdag ni Ablan.
Una rito, sinabi ni Marcos na ipinakiusap sa kanya ng Pangulo na ipagpatuloy ang kanyang drug war campaign.