Dalawamput isang senador ang pumabor at walang kumontra kayat nakalusot na sa Senado ang Senate Bill No. 2501 o ang ‘Act Penalizing Wilful and Indiscriminate Discharge of Firearms.
Layon ng panukala na maamyendahan ang Revised Penal Code(RPC).
Sinabi ni Sen. Ronald dela Rosa, ang sponsor ng panukala, sa kabila ng mga probisyon sa RPC, mistulang hindi natatakot ang mga walang habas na nagpapaputok ng baril.
Ito aniya ang dahilan kayat nais ng mga senador na pabigatin pa ang parusa sa mga mapapatunayan lumabag sa batas.
Nakasaad sa batas na mahaharap sa aresto mayor ang mga mapapatunayang lumabag.
Agad din babawiin ang lisensiya o permit ng may-ari ng baril at hindi na sila bibigyan hanggang sila ay nabubuhay.
Binanggit pa ni dela Rosa na mula 2016 hanggang 2021, nakapagtala ang PNP ng 195 kaso ng indiscriminate firing at s amga lumabag, 18 ang pulis at walo naman ay sundalo.