Kampo ni Marcos, itinangging may ‘media exclusion’ matapos ma-interview ng tatlong network ang susunod na pangulo

Screengrab from Atty. Vic Rodriguez’s FB video

Itinanggi ng kampo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mayroong polisya sa pagbukod ng ilang media network para ma-cover ang susunod na pangulo.

Tanging ang NET25, SMNI, at GMA7 lamang kasi ang kasama sa sit-down interview kay Marcos, Huwebes ng umaga (Mayo 26).

Sa press briefing, nilinaw ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na ito ay nauna nang ‘commitment’ sa tatlong nabanggit na network sa kasagsagan pa ng kampanya para sa 2022 National and Local Elections.

“Ito ‘yung commitment na ibinigay ng aming media team noong kampanya dito sa tatlong network na agad na nagpasabi na kung saka-sakaling manalo si then-candidate Bongbong Marcos, maaari ho ba kaming mapagbigyan ng one-on-one interview,” ani Rodriguez.

Kung mapapansin din aniya, pinagsabay ang pakikipanayam ng mga network sa susunod na punong ehekutibo upang maging patas.

“It doesn’t mean we intend or have intended to exclude anyone. No,” ani Rodriguez.

Sa katunayan, nagpapasalamat aniya sila sa media para sa pagsubaybay at pag-cover kay Marcos.

Sinabi rin ni Rodriguez na ito na ang huling press briefing niya bilang tagapagsalita ni Marcos. Itinalaga kasi siya ng susunod na pangulo bilang Executive Secretary.

Read more...