Napakahalagang makabuo ang papasok na administrasyong Bongbong Marcos ng isang ‘economic dream team.’
Sinabi ni Sergio Ortiz Luis Jr., pangulo ng Employers Confederation of the Phils (ECOP) at chairman ng Philippine Chamber of Commerce and Industries (PCCI), na napakahalaga ng bagong economic team na may kakayahang bumalangkas, magsulong at magpatupad ng mga epektibong programa para sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Aniya, hindi kailangang limitahan sa mga kaalyado lamang ng bagong administrasyon ang itatalaga sa National Economic Development Authority (NEDA), Departments of Trade and Industry, Finance, Agriculture at Transportation.
Bagamat hindi sila nagrerekomenda aniya ng mga maaring ikonsidera, nabanggit ni Ortiz Luis Jr. ang mga pangalan nina Finance Sec. Carlos Dminguez III, NEDA Chief Karl Chua, Trade USec. Abdulgani Makatoman, Energy USec. Benito Ranque at maging si Senate Committee on Energy chairman, Sen. Win Gatchalian.
Naniniwala ito na malaking papel ang gagampanan ng Department of Energy (DOE) sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa at isa sa dapat unang gawin ay lansagin ang grupo ni Energy Sec. Alfonso Cusi.
Diin pa nito, higit na kailangan na may taga-Mindanao na bahagi ng economic team kayat maaring maisama si Makatoman.
“But it is still the President whos has the last say as to whom to appoint in these government agencies comprising the country’s economic team,” dagdag pa ni Ortiz-Luis Jr.