Simpleng inagurasyon lang ang nais ni Duterte
Limang minuto lang ang gugugulin ni incoming President Rodrigo Duterte sa kaniyang inaugural speech sa June 30 sa Malacañang.
Hindi na rin niya aniya kailangan pang mag-ensayo para sa talumpati dahil kailangan lang naman sabihin sa kaniya kung saan siya dapat tumayo.
Ayon pa kay Duterte, lilipad lamang siya patungong Maynila sa mismong araw ng kaniyang oath-taking at pabiro pang sinabi na kapag naantala ang kaniyang flight, “bahala kayo d’yan.”
Ayaw rin ni Duterte mag-suot ng barong, dahil malkati aniya ito at pabiro ring sinabi na corny daw ito at lahat ng kakilala niyang namatay ay barong ang suot.
Hindi rin naman niya balak magsuot ng amerikana, at iginiit na gusto lang niya ay isang damit na gawa sa cotton at komportable.
Wala ring magaganap na magarbong handaan pagkatapos ng seremonya at nilinaw na tanging “finger food” lamang ang ihahain sa mga bisita.
Wala ring balak si Duterte na kumuha ng personal stylist, at ikinatwirang hindi niya babaguhin ang kaniyang pamumuhay dahil lang isa na siyang presidente ng bansa.
Tiniyak ni Duterte na magiging simple lamang ang seremonya at limitado lamang ang magiging bilang ng mga bisita.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.