Sa kabila ng patuloy na nararanasang pag-ulan, nilinaw ng PAGASA na walang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Dahil dito, sinabi ni PAGASA Weather Specialist Obet Badrina na maliit pa rin ang tsansa na magkaroon ng bagyo sa bansa sa mga susunod na araw.
Sa ngayon, nakakaapekto aniya ang Southwest Monsoon o hanging Habagat sa Kanlurang bahagi ng Luzon.
Magdadala pa rin aniya ang nasabing weather system ng maulap na kalangitan sa Palawan at Mindoro provinces.
Sa Martes, Mayo 24, malaki pa rin aniya ang posibilidad na makaranas ng pag-ulan sa nasabing probinsya.
Sa nalalabing bahagi naman ng Luzon, maaring makaranas ng mas maaliwalas na panahon.
Magiging mainit aniya ang panahon simula umaga hanggang tanghali habang maaring ulanin mula hapon hanggang gabi partikular sa Ilocos region, Bataan, Zambales, bahagi ng Calabarzon at Metro Manila.
Sinabi naman Badrina na asahan ang maaliwalas na panahon sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao.