Bagitong Congressman target maging House Speaker – Wacky Leaks ni Den Macaranas

 

Bagyo ang dating ng isang bagito at mayamang partylist Congressman dahil ngayon pa lang ay target na niyang kunin ang posisyon bilang Speaker ng Kamara.

Sinabi ng ating Cricket sa Batasan Complex na sumubok ding bumuo ng bagitong congressman ng kanyang sariling grupo kahit alam niyang walang papansin sa kanya dahil sa pagiging neophyte sa pulitika.

Hindi rin alam ng ilang mga beteranong mambabatas kung saan kumukuha ng lakas ng loob ang bagitong kongresista na bida sa ating kwento.

Pero bago nanalo ang kanyang partylist group ay matindi rin ang pinagdaanan ng mamang ito noong panahon ng kampanya.

Ang kanyang Tatay na isa ring mayaman na negosyante ay gumastos ng malaki hindi para ikampanya ang kanyang anak kundi para idiskaril ang political ambition nito.

Malalim na kasi ang away ng mag-ama dahil sa agawan ng pamumuno sa kanilang malaking negosyo.

Maraming kaibigan sa Kamara ang kanyang Tatay dahil sa dami ng ipinasok niyang mga proyekto at pera noong uso pa ang pork barrel sa mga mambabatas.

Sinabi ng ating Cricket na may gustong patunayan sa kanyang ama ang bagitong kongresista kaya pinipilit niyang maging House Speaker at kung hindi uubra ay kahit deputy speaker na lang daw muna.

Madalas kasing ipakmuha noon ng kanyang tatay na siya ang gumawa ng business career ng kanyang anak kaya walang dapat ipagmalaki itong si Cong.

Tumatak sa anak ang nasabing mga salita kaya naghanap siya ng ibang sektor na magtataguyod ng kanyang sariling pangalan kaya siya napunta sa pulitika.

Bukod sa pera wala pa namang napapatunayan ang bagong halal na partylist congressman na ito kaya pinayuhan siya ng ilang beteranong mambabatas na maghinay-hinay na lang muna sa kanyang pangarap na maging speaker ng lower house.

Ang bagong halal na congressman na nangangarap pamunuan ang Kamara ay si Cong. M….as in Mekeni.

Read more...