P6-M halaga ng ketamine sa loob ng purifiers, nasabat ng BOC

BOC photo

Nasamsam ng Bureau of Customs – Port of Clark ang 1,200 gramo ng Ketamine na nagkakahalaga ng P6 milyon noong Mayo 17.

Sa tulong ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Enforcement & Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), X-ray Inspection Project (XIP) & Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), naharang ang pagpasok sa bansa ng naturang ilegal na droga.

Sinabi ng ahensya na nadiskubre ang mga ilegal na droga sa dalawang kargamento na dumating sa magkaibang petsa.

Dumating ang unang shipment noong Abril 30, na idineklara na naglalaman ng “6 pcs water hilter water purifier” mula sa Klang, Malaysia.

Noong Mayo 12 naman, dumating ang ikalawang shipment na sinasabing naglalaman ng “sharp air purifier haze mood” mula sa Shah Alam, Malaysia.

Parehong isinailalim sa x-ray scanning ang dalawang kargamento.

Lumabas sa 100 porsyentong physical examination ang 600 gramo ng crystalline substance na selyado sa loob ng filter elements purifier at 600 gramo ng crystalline substance sa apat na self-sealing aluminum foil sa loob ng air purifier.

Nagsagawa ng K9 sweeping ang CAIDTF na nagresulta ng positibong indikasyon ng ilegal na droga.

Nakumpirmang Ketamine ang naturang ilegal na droga sa pamamagitan ng chemical laboratory analysis ng PDEA.

Agad naglabas si District Collector Alexandra Lumontad ng Warrants of Seizure and Detention dahil sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d), at 1113 (f) ng Republic Act 10863 na may kinalaman sa Section 4 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Noong Mayo 17, sanib-pwersa ang BOC at PDEA sa controlled delivery operation sa address ng consignees’ address sa Makati City at Malate, Manila.

Naaresto sa operasyon ang tatlong claimants, kung saan dalawa rito ay Taiwanese nationals.

Read more...