Frontal System, Southwesterly Windflow patuloy na magpapaulan sa ilang parte ng bansa
Kasunod ng nararanasang pag-ulan, iniulat ng PAGASA na walang namo-monitor na low pressure area (LPA) sa bansa.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Obet Badrina, dalawang weather system ang umiiral sa bansa.
Nakakaapekto aniya ang Frontal System sa extreme Northern Luzon, habang ang Southwesterly Windflow o hanging nagmumula sa Timog-Kanluran naman ang nagdadala ng pag-ulan sa Kanlurang bahagi ng Northern at Central Luzon.
Sa iba pang bahagi ng bansa, sinabi ni Badrina na walang nangingibabaw na weather system na umiiral.
Ngunit hindi pa rin aniya inaalis ang posibilidad na makaranas ng mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms sa hapon hanggang gabi.
Sinabi rin nito na walang inaasahang LPA o bagyo na mabubuo sa teritoryo ng bansa sa mga susunod na araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.