Walk of Shame sa Tanauan City Batangas, tuloy pa rin
Nanindigan si Tanauan City Batangas Mayor Tony Halili na hindi niya ititigil ang kanyang ginagawang hakbang upang masugpo ang bentahan at paggamit ng droga sa kanyang nasasakupan.
Ito ay sa kabila ng pambabatikos ng Commission on Human Rights sa isinagawang Flores de Pusher o pagpaparada ng hinihinalang mga nagtutulak ng droga sa lungsod ng Tanauan.
Sinasabi ng CHR na hindi makatarungan ang ginawa ni Halili dahil nilalabag nito ang karapatang pantao.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi rin ni Halili na gagawin niya ang lahat para maayos niya ang kanyang bayan at masugpo ang talamak na pagtutulak at pagbebenta ng ilegal na droga dito.
Ayon pa sa alkalde, nasubukan na niya lahat ng paraan para mawala o mapatigil ang mga pusher sa Tanauan ngunit hindi ito tumatalab at patuloy pa rin ang talamak na pagtutulak ng droga sa kanyang nasasakupan.
Kapag aniya hinuhuli nila at naipakukulong ang mga ito, nakakapagpiyansa naman at pag nakalaya na ay ipagpapatuloy pa rin ang mga ilegal na gawain.
Mayroon aniya na hindi nakakalaya dahil non bailable o walang piyansa ang kaso, ngunit minamana at ipinagpapatuloy naman ng mga asawa o kamag-anak ang iniwan na masamang gawain ng mga nasabing pusher.
Dahil tila walang katapusan ang mga ilegal na gawain sa Tanauan, naisipan ni Halili na subukan ang pagpapalakad o pagpapahiya sa mga itinuturing na hindi magandang elemento sa kanyang bayan.
Ikinatuwa naman ni Halili ang pahayag ni Presumptive President Rodrigo Duterte na handa siyang suportahan sa kanyang mga hakbang na ginagawa sa Tanauan at bibigyan pa siya ng abogado sakaling may maghain ng kaso laban sa kanya.
Matatandaang sinimulan ni Halili ang ganitong paraan noong 2014 matapos mahuli ang isang magnanakaw sa kanilang palengke. / Mariel Cruz
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.