Bilang ng mga bagong overhaul na bagon ng MRT-3, umabot na sa 54

Umakyat na sa 54 ang bilang ng mga bagon na tapos nang ma-overhaul ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Ito ay makaraang madagdagan ng dalawa pa noong Mayo 6 at 13.

Sa kabuuang 72 bagon ng linya, 18 na lamang ang sumasailalim sa general overhauling ng maintenance provider ng MRT-3 na Sumitomo-MHI-TESP.

Sa kasagsagan ng general overhauling, kinukumpuni at pinapalitan ang mga depektibong component ng light rail vehicles o bagon, upang maibalik ang maayos na kondisyon ng mga ito.

Dumaraan din sa serye ng mga speed at quality checks ang mga nabagon upang masigurong maganda ang kalidad at ligtas itong patakbuhin sa linya.

Nakatutulong ang pagtaas ng bilang ng mga operational train cars ng MRT-3 sa pagpapataas ng kapasidad nito.

Sa ngayon, kayang makapagpatakbo ng MRT-3 ng 18 hanggang 20 CKD train sets na binubuo ng 16 3-car train sets at apat (4) na 4-car train sets.

Kada bagon ay kayang makapagsakay ng 394 na pasahero, o 1,186 na pasahero kada 3-car train set. Ang 4-car train set ay kaya namang makapagsakay ng 1,576 na pasahero.

Sa ngayon, tuloy pa rin ang libreng sakay sa MRT-3 hanggang Mayo 30.

Read more...