Serbisyo ng isang towing services sinuspinde ng MMDA

By Chona Yu May 24, 2016 - 02:58 PM

Arcson towing services
Larawan mula sa Facebook ni Trix Lareza-Clasara

Pinatawan ng suspensyon ng Metro Manila Development Authority ang Arcson Towing Services kasunod ng reklamo ng isang netizen na nabiktima ng kumpanya.

Sa kanyang post sa facebook, sinabi ni Trix Lareza Claraza na nabiktima ng Arcson ang kanyang kapatid na si Kristine Ann Uy De Baron kahapon sa bahagi ng Broadway Avenue sa Quezon City.

Nakasaad sa facebook post ni Clasara na ipinarada ng kanyang kapatid ang sasakyan sa tapat ng isang grocery store at bigla na lamang itong hinatak ng isang tow truck ng Arcson na may plakang AVA 4494.

Minaniobra pa umano ng isang nagpanggap na MMDA personnel ang sasakyan ng kapatid at kinikilan ng P4,000.00 para hindi maimpound ang sasakyan.

Agad na tumawag sa telepono si De Baron sa kanyang asawa at dito kinompronta nila ang mga tauhan ng tow truck at ng mga nagpanggap na MMDA personnel at ng mapansin ng mga ito na alam ng asawa ng kanilang binibiktima ang proseso sa towing ay agad na pinakawalan ang biktima at hindi na hinatak ang sasakyan.

Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, indefinite suspension ang kanyang ipinataw sa lahat ng tow truck ng Arcson simula ngayong araw.

Tiniyak pa ni Carlos na patuloy na magpupursige ang MMDA na labanan ang mga ganitong uri ng panloloko sa mga motorista. / Chona Yu

TAGS: MMDA suspends towing services, MMDA suspends towing services

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.