Inatasan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang Quezon City Police District at Bureau of Jail Management and Penology na imbestigahan ang nangyaring riot sa loob ng kulungan.
Ayon sa ulat ng Quezon City Jail Male Dormitory, isa ang patay habang siyam na bilanggo ang nasugatan.
“Iniutos na natin ang malalimang imbestigasyon sa nangyaring riot sa Quezon City Jail para malaman ang puno’t dulo nito,” pahayag ni Belmonte.
Mahalaga ayon kay Belmonte na malaman ang ugat ng riot.
“Kailangang maparusahan ang mga nagpabaya sa kanilang tungkulin kung mayroon man, upang hindi na maulit pa ang ganitong klaseng insidente sa ating mga pasilidad,” pahayag ni Belmonte.
Sinabi pa ni Belmonte na kailangan na tiyakin ng BJMP na hindi na mauulit ang naturang insidente.
Nagkarambola ang mga bilanggo na miyembro ng Batang City Jail, Commando at Bahala na Gang.