Makasaysayan ang pagkakapanalo ng University of the Philippines kontra Ateneo de Manila University sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 men’s basketball finals na ginanap sa Mall of Asia.
Ito ay dahil sa matapos ang 36 taon, nasungkit muli ng UP ang kampeonato nang makapuntos ng 72 kontra 69 ng Ateneo.
Ito ang kauna-unahang kampeonato ng UP simula noong 1986.
Nabura din ng UP ang four-peat na target sana ng Ateneo.
Nag-overtime pa ng limang minuto ang laro matapos magpantay sa iskor na 59 sa fourth quarter.
Sa overtime, pantay sa iskor na 69 ang dalawang koponan kung saan 40 segundo na lamang ang natitira.
Gayunman, iniangat ni JD Cagulangan ang UP nang tumira ng three point shot dahilan para itanghal na kampeon ang fighting maroons.
Si Malick Diouf ang itinanghal na Most Valuable Player ng final series matapos makapuntos ng 17, siyam na rebounds at tatlong steals.
Sweet victory rin para kay coach Baldwin Monteverde ang pagkakapanalo ng UP dahil ito ang kanyang unang title sa seniors division.