Sara Duterte sa mga tagasuporta: “Kayo ang panalo dito”
“Congratulations po sa inyong lahat. Kayo ang panalo dito.”
Ito ang naging mensahe ni presumptive vice president Sara Duterte-Carpio sa online thanksgiving acivity, Biyernes ng umaga (Mayo 13).
“Ako ang inyong kandidato, ang inyong instrumento. Kayo ang nagdala sa akin sa puntong ito ng aking karera sa pulitika at pagsisilbi sa taumbayan at sa ating bayan. Dahil sa inyo, nandito ako,” pahayag nito.
Ang pagkapanalo aniya sa halalan ay patunay na magiging matagumpay kung magtutulungan at magkakaisa.
Nais aniya niyang magpasalamat sa mga tagasuporta na hindi siya pinabayaan sa kaniyang karera at nirespeto ang kaniyang desisyon na tumakbo bilang bise presidente.
Sa inaasahang pag-upo bilang pangalawang pangulo, humiling si Duterte-Carpio ng patuloy na suporta mula sa publiko dahil malaki aniya ang ipapataw na responsibilidad sa kaniya para maiangat ang buhay ng bawat Filipino.
Maliban dito, hiniling din nito sa mga tagasuporta na magpakumbaba sa mga tagasuporta ng mga hindi pinalad na kandidato.
“Tayo na po ang mauna na lumapit sa mga nakatunggali na supporters ng mga natalong kandidato. Tayo na po ang magpakumbaba dahil tayo ang panalo,” ani Duterte.
Dagdag nito, “We have to be magnanimous because we are only 30.5 million. Kailangan natin sila para tayo ay maging isang 100 percent na bansa.”
Iginiit din ni Duterte-Carpio na tapusin na ang pamumulitika.
“At dahil tapos na ang kampanya at eleksyon, panahon na para kalimutan ang mga kulay ng pagkahiwa-hiwalay. Tapusin na natin ang pamumulitika,” saad nito.
Dapat aniyang manguna ang mga nahalal sa pwesto upang masiguro na lahat ng mga Filipino ay mabigyan ng tamang serbisyo.
Samantala, kasunod ng pagkakatalaga sa kaniya ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang susunod na kalihim ng Department of Education (DepEd), sinabi nito na titiyakin niyang tutugon ang gobyerno sa pangangailangan nito.
“Nangangako ako na isusulong ang mga reporma sa DepEd para makabuo tayo ng mga kabataang Pilipino na pursigido na makamit ang kanilang full potentials bilang mga indibiduwal. Kailangan na natin ngayon ang bagong henerasyon na may disiplina at pagmamahal sa bayan,” ani Duterte-Carpio.
Dagdag pa nito, “Sasandal kami sa inyo para magawa namin ang aming trabaho, ang aming mga pangako, mga plano, mga pangarap, hindi lamang para sa inyo na nagluklok sa amin sa pwesto kundi sa lahat ng mga Pilipino.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.