Kamara, todo handa na bago ang joint session para sa canvassing

By Isa Avendaño-Umali May 24, 2016 - 12:30 PM

Kuha ni Isa Umali
Kuha ni Isa Umali

Kasado na ang mababang kapulungan ng kongreso para sa pagbubukas ng joint session kaugnay sa 2016 presidential at vice presidential canvassing.

Maaga pa lamang ay mahigpit na ang seguridad sa loob at labas ng Batasan Complex, kung saan gagawin ang canvassing.

Nauna nang nakarating sa kamara ang nasa 160 na certificates of canvass o COC’s, at 400 na election returns o ERs, na nakalagay sa 900 ballot boxes.

Ang mga COC ay ibiniyahe mula senado hanggang kamara Martes ng umaga, gamit ang nasa walong military trucks.

Nakalagak naman ang mga ballot box sa isang kwarto ng kamara, na bantay-sarado ng mga gwardiya.

Nagkalat din ang mga security personnel, at may mga K9 din.

Sa bahagi ng North Wing, malapit sa session hall, may tally board kung saan ipapaskil ang partial-official election count sa pagka-pangulo at ikalawang pangulo.

Kahapon, inaprubahan na ng kamara ang resolusyon para sa joint session kaugnay ng gagawing 2016 presidential at vice presidential canvassing.

Ang joint session ng kamara at senado ay magsisimula bukas sa ganap na alas 2:00 ng hapon.

Ang Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso ang magsisilbing National Board of Canvassers o NBOC na bibilang sa boto ng mga kumandidato sa presidente at bise presidente.

Inaasahan na sa joint session mamaya ay bubuo muna ng rules na susundin para sa canvassing.

Magiging lider ng house panel si Majority Leader Neptali Gonzales habang ang panel members mula sa house majority ay sina Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, Marikina Rep. Miro Quimbo, Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, at Capiz Rep. Fredenil Castro.

Ang alternate members naman ay sina Pampanga Rep. Oscar Rodriguez at Akbayan Party List Rep. Barry Gutierrez./ Isa Avendaño-Umali

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.