CP number ni dating MMDA chair Benhur Abalos maaring nabiktima ng SMS spoofing
Iniimbestigahan na ng Globe Telecom at ng National Telecommunications Commission (NTC) ang insidente ng hacking sa Globe number ni dating MMDA Chair Benhur Abalos. Nangyari ang hacking isang araw bago ang May 9 elections. Sa kaniyang post sa Facebook, sinabi ni Abalos na na-hack ang kaniyang numero at nagpapadala ng mga mensahe sa mga nasa contacts niya. “It has been sending out unscrupulous messages. [I] went to Globe office this afternoon to complain [about the hacking incident] and had the number immediately suspended,” ayon kay Abalos Jr., na siya ring national campaign manager ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Agad ipinarating ni Abalos Jr. sa Globe Telecom at sa NTC ang insidente. Sa imbestigasyon at ginawang validation ng Globe, walang ipinadalang “unscrupulous messages” galing sa numero ni Abalos. Ayon sa Globe security operations team maaring nabiktima si Abalos Jr. ng illegal broadcaster devices na bawal sa ilalim ng “The Radio Control Law” ng NTC. Iniimbestigahan na din ng NTC ang nangyari at patuloy ang koordinasyon nito sa Globe Telecom. Sang-ayon naman ang NTC na maaring ang nangyari ay insidente ng “SMS spoofing”. Ayon sa Kaspersky, cybersecurity solutions provider, ang mga scammer na gumagamit ng “phone number spoofing” ay nakagagawa ng paraan para mapaniwala ang isang indbidwal na siya ay tumanggap ng mensahe o tawag mula sa isang partikular na numero. Binalaan ni NTC Commissioner Gamaliel A. Cordoba ang mga may-ari o nasa likod ng illegal broadcaster devices na maari silang maharap sa kasong kriminal at civil penalties.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.