Magagandang pwesto, naghihintay sa mga dating miyembro ng LP

By Kathleen Betina Aenlle May 24, 2016 - 06:07 AM

Liberal partyMagaganda ang posisyon na naghihintay para sa mga mambabatas na bumalimbing sa Liberal Party (LP) at lumipat sa PDP-Laban na partido ni presumptive President Rodrigo Duterte.

Isa na rito si dating LP stalwart Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas na nanumpa bilang miyembro ng PDP-Laban bilang paghahanda sa kaniyang pagiging majority leader sa Kamara.

Isa pang dating miyembro ng LP na nanumpa bilang PDP-Laban ay si Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na napabalitang inihahanda sa pagbabalik nito sa kaniyang dating pwesto bilang chairman ng House appropriations committee.

Noong Oktubre lamang ng nakaraang taon, lumipat si Andaya sa National People’s Coalition (NPC) bilang paghahanda naman sa halalan.

Nasa 80 miyembro ng LP ang sumali sa Coalition for Change ng Duterte administration, bagaman hindi pa nila binibitiwan nang tuluyan ang pagiging miyembro ng LP.

Inaasahan namang mas ka-kaunting miyembro ng LP ang magiging House minority kasama ni Speaker Feliciano Belmonte na sumuko na sa laban sa pagiging speaker kay Davao del Norte Pantaleon Alvarez ng PDP-Laban.

Gayunman, para kay Alvarez, mas makabubuti kung ang lahat ng mga mambabatas na sasali sa Coalition for Change ay lilipat sa PDP-Laban.

Hindi naman kasi aniya magandang tingnan o magiging “awkward” naman kung sumusporta ang mga ito sa kanilang koalisyon habang nananatili silang miyembro ng LP na mamumuno sa House minority.

Una nang kinausap ni Belmonte si Alvarez upang payagan ang mga miyembro ng LP na sumuporta sa PDP-Laban kahit na sila ay mananatiling miyembro ng LP.

Ayon kay Majority leader Neptali Gonzales II, ganito rin naman ang ginawa ni Alvarez sa iba nilang kasama sa koalisyon tulad ng mga mula sa NPC. / Kathleen Betina Aenlle

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.